PUTIK ang iniwan sa kalye katabi ng Marikina river matapos manalasa ang baha dulot ng habagat sa Metro Manila. Kuha ni RAOUL ESPERAS
INIULAT ng Philippine National Philippines (PNP) na pumalo na sa 21 katao ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, pito ang nasawi sa Metro Manila, tatlo sa Central Luzon o Region 3 habang 11 ang Region 4A base sa datos ay mula sa kanilang inaktibong PNP Command Center.
Labinglima naman ang napaulat na nasugatan habang lima ang nawawala.
Kasama sa mga nasawi ang mag-ina na natabunan ng landslide sa Angeles, Pampanga at apat na magkakamag anak sa Agoncillo, Batangas.
Dakong alas-8 ng umaga kahapon, umabot na sa 47,682 na pamilya o 202,015 na indibidwal ang naitalang naapektuhan ng bagyo mula sa region 1,2 ,3, Calabarzon, Mimaropa at Region 5.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang rescue operations sa ilang lugar sa Camanava area partikular sa Malabon at Valenzuela City.
Aniya, may mga lugar na hindi narating ng mga rescuer kahapon.
Umabot naman sa 1,822 na mga pulis ang naapektuhan din ng bagyo bukod pa 33 non-uniformed personnel.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan sa mga regional office sa para sa clearing operation sa mga lugar na may landslide.
EUNICE CELARIO