CEBU- NASA 210 pasahero at tripulante ang nailigtas at tinulungan ng Philippine Navy-Naval Forces Central kasunod ng naganap na banggaan sa pagitan ng isang Fast Craft at Cargo Vessel sa may Mactan channel sa lalawigang ito.
Ayon sa Naval Forces Central, unang nirescue ng Naval Task Force 50 ang may 28 sakay ng fast craft na nangangailangan ng medical attention kasunod ng pagbanggaan sa cargo vessel habang binabaybay ang Mactan Channel sa bisinidad ng First Cebu-Mactan (Osmeña Jr) Bridge bandang alas-2:53 kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci, ipinadala ng Naval Task Force 50 (NTF50) ang kanilang BRP Enrique Jurado (PC371) na nasa ilalim ng pamumuno ni Cdr. Jesus Kingking II PN kasama ng 5th Patrol Boat Division na nasa ilalim ni Lcdr. Junefil Tubog na matagumpay na nakapagsagawa ng rescue and assistance sa mga sakay ng Supercat commercial vessel St. Jhudiel na nakabanggaan ng cargo vessel LCT Poseidon 23.
Ligtas na nadala ng PC371 at 5th PB Division ang 28 pasahero ng supercat sa Captain Veloso Pier, NBRR, Lapu-Lapu City, Cebu kung saan unang nilapatan ng lunas ng mga tauhan ng BRP Batak (LC299).
Subalit, kinailangan itakbo sa Mactan Doctors Hospital ang anim sa mga ito para sa karagdagan medical attention.
Habang inihatid naman sa Pier 1 sa Cebu City ang 22 kasamahan nila.
Inihatid naman ng PC371 at isang civilian tugboat T/B Fortis ang Supercat St Jhudiel na may sakay pang 169 na pasahero at 13 crew papuntang Pier 1, Cebu City.
“Naval Forces Central, Your Navy in the Visayas will continue its unwavering commitment as a reliable partner in bringing prompt, responsive and effective assistance at-sea to ensure the safety and protection of our fellowmen while transiting in the maritime domain of the Visayas,” ani Lt. Jg ABIGAIL Jean Laturnas. VERLIN RUIZ