INIULAT ng Department of Health (DOH) na nadagdagan pa ang bilang ng mga taong tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Filipinas.
Batay sa case bulletin #102 na inilabas ng DOH kahapon, nabatid na hanggang 4PM ng Hunyo 24, umabot na sa 32,295 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa matapos na makapagtala pa ng 470 bagong kaso ng sakit.
Ayon sa DOH, sa naturang bagong kaso, 357 ang fresh cases habang 113 naman ang late cases.
Sa fresh cases, 159 ang mula sa National Capital Region (NCR), 141 ang mula sa Region 7, at 57 naman ang mula sa ibang lugar sa bansa.
Samantala, sa late cases naman, 66 ang mula sa NCR, apat ang mula sa Region 7 at 43 ang mula sa iba pang rehiyon.
Sa kabilang dako naman, nadagdagan rin naman ng 18 pasyente, ang bilang ng mga nasawi sanhi upang umabot na ang COVID-19 related deaths sa bansa ay kabuuang 1,204.
Ang magandang balita naman, nasa 214 pa ang pasyenteng gumaling na sa sakit sanhi upang umakyat na sa 8,656 ang total COVID-19 recoveries sa Filipinas. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.