NAKAPAGTALA ng 22 kaso ng cyber bullying ang Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng tatlong taon at halos menor de edad ang mga naging biktima.
Ayon sa tala ng PNP, siyam ang nakaranas ng cyber-bullying taong 2017, 11 noong 2018, at dalawa sa Marso ngayong taon.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Col. Bernard Banac, karamihan ng insidente ay naganap sa social media. “Ito ‘yung pinaka-common form of bullying ngayon sa mga kabataan,” pahayag nito.
Hinimok pa ng PNP ang mga kabataan o ang mga nabibiktima ng cyber bullying na huwag matakot magsumbong sa mga aw-toridad. “It is important for victims of cyber bullying to immediately report these to the nearest police station and give an account of the incident. They should be accompanied by their parents or legal guardian,” dagdag nito.
Sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis ang pag-iimbestiga at pagkalap ng ebidensiya laban sa suspek.
Nagpaalala naman si Banac sa mga magulang na agad silang sumangguni sa pulis at magsampa ng kaso o humingi ng tulong sa school authorities kapag nabiktima ng cyber bullying.
Sa pagbubukas ng klase sa susunod na linggo ay bumuo ng task units ang PNP kontra sa bullying upang maproteksiyunan ang mga estudyante.
Magpapakalat naman ng mahigit 120,000 pulis para masigurado ang seguridad sa pagbubukas ng klase.
Comments are closed.