(22 killings, 41 rape cases naitala) DAVAO CITY POLICE CHIEF, 19 STATION COMMANDERS SINIBAK SA PUWESTO

SINIBAK ni Police Region Office-11 Regional Director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang director ng Davao City Police at higit 20 tauhan nito gayundin ang 19 chiefs of police makaraang pumalo na sa 22 ang biktima ng patayan at 41 kaso ng panghahalay sa lungsod sa loob lamang ng unang limang buwan sa 2024.

Ayon kay Torre, nasabing crime statistics ay iniulat sa kanya sa unang command conference nitong Hulyo 1 ni Davao City Police Officer (DCPO) Officer-in-Charge Col.Paulino Zaulda.

Dahil dito, lumalabas ang ratio na 1 killing at 2 rapes cases kada linggo habang ang kabuuang bilang ng mga nasawi at kaso ng panggagahasa ay mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Samantala, sinabi ni PRO-11 Spokesperson Maj. Catherine Dela Rey na ang reassignment ng officers ay bahagi ng pagsisikap ng pulisya na mapanatili ang integridad at kahusayan ng police force.

Idiniin naman ni Torre na ang nasabing crime statistics ay hindi sumasalamin sa estado ng Davao City dahil itinuturing pa rin itong safe city.

Kasabay nito, idiniin sa lahat ng opisyal ng DCPO na tiyakin na gamitin nang tama ang communication equipment lalo na ang kanilang radio at panatilihin ang strict supervision para makaresponde nang tama ang pulisya at maipatupad ang kanilang mandato.

Pinayuhan din ni Torre ang lahat ng chiefs of police o station commanders na alalayan ang kanilang mga tauhan upang magampanan nang tama ang tungkulin, sitahin ang hindi nagdadala ng radio at bigyan ng gantimpala ang sumusunod.
EUNICE CELARIO