INIHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakapagpo-produce ang Pilipinas ng 22 milyong tonelada ng basura kada taon.
Nangunguna ang Kalakhang Maynila sa listahan ng waste producers sa 3.65 milyong toneladang basura.
Tinukoy ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang datos mula sa National Solid Waste Management Commission at nanawagan sa publiko na suportahan ang “Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan (KALINISAN) sa Bagong Pilipinas” program ng administrasyon.
Kamakailan lamang, pinangunahan nina Abalos at Navotas City Mayor John Reynald Tiangco ang 500 Navoteños na nakiisa sa maagang cleanup activity sa Barangay Daanghari Coastal Dike sa pagbigkas ng ‘pledge of commitment’ para sa mga cleaner community.
Ani Abalos, ang mga basurang hindi napipigilan sa daluyan ng tubig na napupunta sa mga karagatan ay maaaring makasira sa marine life o buhay-dagat at produkto na nagreresulta ng mas kaunting huli ng mga mangingisda.
Nito lamang Enero ng taong kasalukuyan, matagumpay na nailunsad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) program.
Alinsunod ang programang ito sa Memorandum Circular No. 001-2024 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Layon ng KALINISAN program na palawakin ang kaalaman ng publiko at hikayatin silang makiisa sa environmental responsibilities sa pamamagitan ng proper waste management.
Hinihimok din nito ang local government units (LGUs) na mag-invest sa mga programa at proyektong makatutulong sa kalikasan.
Unang inilunsad ang KALINISAN program sa pamamagitan ng national simultaneous clean-up drive sa Baseco Compound sa Manila, kasabay sa pagdiriwang ng Community Development Day noong January 6, 2024. EVELYN GARCIA