22 OFWs SA HOUTHI-HIT SHIP NAKAUWI NA

BALIK-PINAS na ang 22 Filipino seafarers na sakay ng Houthi-hit MV Transworld Navigator.

Ayon sa  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang ikalawang batch ng repatriates ay dumating na may 10 seafarers noong Martes ng gabi, habang ang ikatlong batch na may 12 seafarers ay nakauwi Miyerkoles ng umaga.

Ang repatriates ay sinalubong ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA sa kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

“Napakalaking biyaya na po lalo na po sa amin na makita kayong ligtas,” sabi ni OWWA Deputy Administrator Attorney Mary Melanie Quiño.

Ayon sa OWWA, ang lahat ng repatriates ay tatanggap ng  financial assistance mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Kasama ang unang batch ng repatriates na may limang seafarers noong nakaraang June 30, ang lahat ng Pinoy na sakay ng MV Transworld Navigator ay nakauwi na.