MAY kabuuang 220 Pinoy na nakadetine sa United Arab Emirates (UAE) ang binigyan ng pardon sa pagdiriwang ng 53rd National Day ng Gulf State, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang pamahalaan ng UAE ay tradisyunal na nagkakaloob ng pardon upang ipagdiwang ang national day nito tuwing Disyembre 2.
Sinabi ng ahensiya na ang pardon para sa mga Pilipino na inanunsiyo noong Dec. 26, 2024, ay ipinagkaloob sa harap ng mabuting pagkakaibigan ng dalawang bansa.
“It is the direct result of President Marcos’ meeting with His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan, President of the United Arab Emirates, last November,” pahayag ng DFA sa isang statement.
Kasalukuyang pinoproseso ng DFA at ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang documentary at administrative requirements para sa kaagad na pag-uwi ng mga pinatawad na Pinoy.
Ang mga pinatawad na Pinoy ay nakakulong sa UAE dahil sa iba’t ibang kasalanan.
Noong Hunyo ng nakaraang taon, may kabuuang 143 Pinoy na nakakulong sa UAE ang binigyan din ng pardon sa pagdiriwang ng Eid al-Adha. ULAT MULA SA PNA