MAHIGIT sa 2,000 pulis ang unang nakinabang sa ipinatupad na Localization Program of Assignment o swapping of duties na bahagi ng 9-Point Sustainable Development Program ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Camilo Pancratius Cascolan.
Kahapon, kahit may bagyo ay umarangkada ang re-assignment sa iba’t ibang rehiyon ng 2,222 pulis na boluntaryong nagpalipat sa ilalim ng nasabing programa para sa Enhancement of Workforce, Morale and Welfare ng PNP.
Mismong si Cascolan ang nanguna sa send off ceremony sa Camp Crame para sa Inter-Regional reassignment ng mga tauhan patungo sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.
Paglilinaw ng PNP, alinsunod ito sa Section 63 ng RA 8551 o ang PNP Reform and Reorganization Act of 1998.
Virtual ang naging send off ceremony para sa unang batch bunsod naman ng pandemya at upang hindi malabag ang health protocols.
Ipinakita ang mga pulis na malilipat ng assignment sa pamamagitan ng malaking monitor sa tapat ng national headquarters.
Sa kanilang formation, binasbasan ang mga pulis at ipinagdasal para sa ligtas na pagbiyahe.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cascolan, one is to swapping ang gagawin kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis na nais magpa-reassign sa mga lugar na kanilang iiwanan.
Ginawa niya itong prayoridad, upang mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.
Paliwanag ni Cascolan, ang mga pulis na nagtatrabaho sa lugar kung saan sila residente ay magkakaroon ng “sense of ownership” at mas magmamalasakit sa kanilang komunidad.
Naniniwala naman ang heneral na hindi ito magiging disadvantage para sa darating na eleksiyon dahil mayroon namang Integrity Monitoring and Enforcement Group na taga-monitor sa performance ng mga pulis. EUNICE C.
Comments are closed.