2,224 TOBACCO FARMERS MAY DAGDAG HANAPBUHAY

Tinatayang aabot sa 2,224 na tobacco farmers ang nakatanggap ng karagdagang hanapbuhay sa pamamagitan ng Gulayan at Manukan sa Barangay (GMB) Project ng  National Tobacco Administration (NTA) .

Ayon kay NTA Administrator at CEO Belinda S. Sanchez, ang inisyatibo ay naglalayon na magbigay ng karagdagang pagkakakitaan sa mga tobacco farmers.

Umaabot sa P16.6 milyon ang pondo na ibi­nigay na alokasyon ng NTA para sa naturang proyekto na pantay na hinati sa walong sangay ng ahensya  na may 278 farmer–recipients bawat isa.

Upang maging benepisyaryo, kailangang ang tobacco farmer ay of good standing at rehistrado sa ilalim ng Tobacco Contract Growing System (TCGS) program.

Paliwanag ni Sanchez, ang GMB project ay naaayon sa agenda ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na  may  “Food for All Projects” na nakatuon sa pagtulong upang mapalakas ang produksyon ng agriculture at fisheries upang mapababa ang halaga ng mga pagkain sa pamamagitan ng mga kooperatiba, moderni­sasyon, at value chain development.

Ang proyekto ay isa sa livelihood assistance programs ng NTA upang matulungan na maging produktibo ang tobacco farmers at makatiyak na makakatulong ang mga naturang magsasaka sa layunin ng pamahalaan na magkaroon ng abot kayang pagkain sa bansa.

“The projects will enable the tobacco farmer-beneficiaries to produce their food, improving access to affordable, safe, and nutritious meals; providing alternative livelihoods as additional sources of income; and promoting sustainable agriculture by encouraging other farmers to adopt diversified farming practices,” ang sabi ng NTA.

Sa naging pagpupulong sa NTA governing board, binigyang diin ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Deogracias Victor B. Savellano na kailangang  mapalakas ang naturang proyekto.

Hinimok din ni Sa­vellano na madaliin ng mga technical experts ng NTA ang pamamahagi ng mga ng mga itatatag nitong multiplier farm at hatching ng free–range chicks para sa mga GMB recipients.

Inirekomenda rin niya na maaaring patulungin ang mga recipient na palakasin din ang produksyon ng mungo beans na malaki ang potensyal sa export.

Ang GMB ay susuplayan din ng iba’t ibang uri ng gulay at seeds, fertilizers, at crop protection agents, samantalang  ang ibang inputs tulad ng labor at lupa ay ituturing na equity ng  farmers.

Para sa proyekto naman ng “manukan”, mamamahagi naman ng mga broiler chicken para sa mga naturang farmer cooperators.Bukod sa farm inputs na tulong ng NTA para sa mga tobacco farmers, tutulungan din ang mga ito para sa marketing ng kanilang mga produkto.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia