GUIMARAS – ISINUGOD sa pagamutan ang 225 estudyante matapos ma-food poison dahil sa pagkain ng sirang spaghetti na inihain sa isang pagtitipon sa main campus ng Guimaras State University (GSU) sa bayan ng Buenavista nitong nakalipas na Biyernes ng gabi.
Sinabi ni officer-on-case na si Master Sgt. Salvacion Soberano na nangyari ang food poisoning incident sa Business Innovators’ Zone Convention ng College of Business and Management.
Ayon pa kay Soberano, dinala ang mga biktima sa Dr. Catalino Gallego Nava Provincial Hospital sa bayan ng Jordan nang magpakita ng sintomas ng food poisoning simula Biyernes ng gabi.
Kinumpirma at iniugnay ng GSU ang insidente sa “pagkaing inihanda ng isang outside caterer.”
Idinagdag ng unibersidad na nakikipagtulungan na sila sa mga awtoridad sa masusing pagsisiyasat sa insidente.
Nangako silang gagawa ng mga hakbang upang maiwasan at hindi na maulit pa ang ganitong insidente.
EVELYN GARCIA