NASA 22,958 ang napaulat na bagong kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa Pilipinas.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) bandang 4:00, Miyerkoles ng hapon, Enero 19, pumalo na sa 3,293,625 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.
Sa nasabing bilang, 270,728 o 8.2 porsiyento ang aktibong kaso.
8,335 rito ang asymptomatic o walang sintomas, 257,632 ang nakararanas ng mild symptoms, 2,970 ang moderate, 1,487 ang severe, habang 304 naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Tumaas nang bahagya sa 82 ang napaulat na nasawi.
Dahil dito, umakyat na sa 53,044 o 1.61 porsiyento ang COVID-19 related deaths sa bansa.
Nasa 36,611 naman ang gumaling pa sa COVID-19 kaya umakyat na sa 2,969,853 o 90.2 porsiyento ang total recoveries ng COVID-19 sa Pilipinas.
Samantala, patuloy ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang highly urbanized cities.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nakapagtala ng pinakamataas na growth rate mula Enero 12 hanggang 18 ang Tacloban na may 469%, Cebu na may 378% at Davao na may 305%.
Nasa severe level naman ng Average Daily Attack Rate (ADAR) ang Baguio City at NCR na may 130.56 at 111.47 na ADAR.
Nakapagtala naman ng pinakamataas na reproduction number hanggang nitong Enero 15 ang Tacloban na may 4.59, sinundan naman ng Cebu City na may 4.51 at Baguio City na may 4.28.