UMABOT na sa 22,836 na kabataan na nasa 12 hanggang 17 taong-gulang ay mga fully vaccinated na sa Muntinlupa City.
Ito ang napag-alaman base na rin sa report ng Muntinlupa City Health Office (CHO) at Muntinlupa COVID-19 Vaccination Program (MunCoVac) na nasa 41 porsiyento ng mga kabataan ang naturukan na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine sa kabuuang populasyon na 55,391 ng mga kabataan sa lungsod.
Sa 22,836 kabataan ay pinangunahan ng Barangay Putatan ang may pinakamaraming mga fully vaccinated na kabataan na may 4,881 at sinundan ito ng Barangay Poblacion, 3,836; Barangay Tunasan, 3,442; Barangay Cupang, 2,778; Barangay Alabang, 2,689; Barangay Sucat, 2,347; Barangay Bayanan, 1,850; Barangay Buli, 368; at Barangay Ayala Alabang na mayroong 289 kabataaan, ayon sa pagkakasunod-sunod, habang sa mga hindi naman residente ng lungsod ay mayroong mga fully vaccinated na 355 kabataan.
Bukod sa mga fully vaccinated na kabataan ay napagkalooban na rin ng kanilang unang dose ng bakuna ang 27,515 menor de edad o katumbas ng 50 porsiyento ng populasyon para sa naturang age group sa lungsod.
Kamakailan lamang ya pinayagan na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine para sa mga menor de edad na nasa 5 hanggang 11 taong-gulang ngunit hanggang sa kasalukuyan, ayon sa Department of Health (DOH), ay hindi pa rin nasisimulan ang pagbabakuna sa mga nabanggit na kabataan.
Dagdag pa ng DOH na iaanunsyo ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang eksaktong araw kung kailan sisimulan ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines sa mga menor de edad na nasa 5 hanggang 11 taong-gulang.
Matatandaan na kamakailan lamang na nakapagtala ang bansa ng ikaapat na kaso ng Omicron variant mula sa isang 38-taong-gulang na biyaherong babae na nagmula sa Estados Unidos na dumating sa bansa nitong nakaraang Disyembre 10 at noon namang Disyembre 13 ay nakaramdam ang babae ng pangangati ng lalamunan at sipon na kinalaunan ay nagpositibo na rin sa Omicron variant.
Makaraan ang ilang araw na pananatili sa isolation facility, ang naturang babaeng isang asymptomatic ay nakauwi na rin ito kung saan ipagpapatuloy nito ang kanyang home isolation. MARIVIC FERNANDEZ