IDENEKLARANG dead on arrival sa pagamutan ang isang 23-anyos na lalaki matapos na pagtulungang bugbugin at saksakin ng tatlong menor nitong Miyerkules ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.
Batay sa report ng pulisya ang biktima na hindi na umabot pa ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ay nakilalang si Bobby Mejares Longas, residente ng Block31 Lot23 Ilang Ilang St., Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik, Quezon City.
Habang agad namang naaresto ang isang Grade 9 at Grade 11 student na mga Child in Conflict with the Law (CICL) habang pinaghahanap ang isa pa.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PSSg Angel Pascasio, III ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na naganap ang insidente dakong alas 12:50 ng madaling araw sa harap ng nabanggit na address.
Magkasama ang pinaghahanap mga suspek at nagngangalang alyas Eunice nang tawagin ng biktima ang huli para kumain ng mangga.
Nilapitan ng babae ang biktima at iniwan ang isang suspek na nilapitan naman ng dalawang arestadong CICL.
Makalipas ang ilang minuto, nilapitan na ng mga CICL ang biktima at pinagtulungang bugbugin.
Kasunod nito ay binunot ng Grade 9 student ang kanyang dalawang kutsilyo at saka inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek.
EVELYN GARCIA