23 BRGY OFFICIALS KINASUHAN SA ANOMALYA SA SAP

Eduardo Año

DALAWAMPU’T tatlong opisyal ng barangay ang unang  nasampahan ng kasong kriminal dahil sa mga anomalya hinggil sa pamamahagi ng tulong pinansiyal  sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.

Ayon kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año, reklamong palabag sa RA 2019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Bayanihan Heal As One Act ang isinampa ng PNP-CIDG laban sa mga opisyal ng barangay.

Sinabi ni  Año na may mga susunod pang LGU officials na masasampahan ng kaso  dahil  marami pang opisyal ng barangay ang sumasailalim ngayon sa imbestigasyon ng PNP-CIDG.

Patuloy na nagsasagawa ng  case build-up ang PNP-CIDG laban sa 110 pang opisyal ng barangay kaya asahan na sa mga  susunod na araw  ay mas marami pa ang masasampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ).

Ang mga inireklamong opisyal ng barangay na kinabibilangan ng mga kapitan, mga kagawad, barangay treasurers, barangay secretaries, barangay employees, purok leaders, at iba pa ay inaakusahan ng pambubulsa, pagbawas at iba pang anomalya sa SAP distribution.

Sa Maynila ay may 36  barangay officials ang inisyuhan ng show cause order at pinagpapaliwanag ng pamahlaang lungsod hinggil sa umano’y mga anomalyang may kaugnayan sa pamamahagi ng cash assistance hanggang sa relief packs.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hindi ito nakaligtas sa kanyang kaalaman  bukod pa sa maraming sumbong  nitong natatangap mula sa mga inagrabyadong residente.

Comments are closed.