23 DRUG PUSHERS TIMBOG SA DRUG BUST

BULACAN- 23 drug pushers ang nadakip ng Bulacan PNP sa isinagawang serye ng anti-illegal drugs operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa siyam na bayan at isang siyudad sa lalawigan nitong Martes at Miyerkules ng gabi.

Base sa isinumiteng report kay Col. Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakakulong ngayon ang 23 drug suspects na nalambat sa sunod-sunod na buy-bust operations at nahaharap sila sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 matapos isailalim sa drug test sa Bulacan Provincial Forensic Unit-Malolos City.

Nabatid na unang nagsagawa ng operasyon ang operatiba ng SDEU ng Meycauayan City at mga bayan ng Calumpit, Guiguinto, Bulakan, Pulilan, San Ildefonso, Angat at Sta.Maria at nakorner ang 14 na drug pushers na nakumpiskahan ng 39 pakete ng shabu, coin purse, cigarette case at buy-bust money.

Ang mga drug pusher ay nakapiit matapos ang serye ng anti-illegal drug operation nitong Martes ng gabi habang sa isinagawang buy-bust operation nitong Miyerkules ng gabi sa bayan ng Marilao, San Rafael at Sta.Maria ay siyam pang tulak ang nakorner at umabot sa 25 pakete ng shabu,coin purse at buy-bust money ang narekober din ng pulisya. MARIVIC RAGUDOS