23 PAGs TARGET NG AFP, PNP

TARGET ng pamahalaan na lansagin ang may 23 privates armies bago pa sumapit ang May 2025 midterm election.

Ayon kay Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. sa isang pulong balitaan, mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang nag-atas sa Armed Forces of the Philippines ( AFP) at maging sa Philippine National Police (PNP) na buwagin ang mga matutukoy na private armed groups kung saan karamihan umano nito ay nasa area Mindanao at ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Sa ginanap na “Kapihan sa Manila Bay” inihayag ni Galvez na personal na kinakausap ng Pangulong Marcos ang militar at pulis simula pa nuong nakaraang taon para siguraduhin na mararanasan ng Pilipinas ang isang “very peaceful and honest elections this coming May 2025.”

Muli umanong nagbaba ng kautusan si Pangulong Marcos hinggil sa pagbuwag sa mga PAGs matapos ang madugong paglikida kay Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo sa loob mismo ng kanyang compound sa Pamplona noong taong 2023.

Alam naman umano ng nakararaming Pilipino na ang eleksyon sa Pilipinas ay laging nababahiran ng karahasan; lalo na sa mga kanayunan dahil may ilang kandidato ang gumagamit ng private armies para ma neyutralisa ang kanilang mga katunggali o takutin ang mga botante.

Nabatid pa na noong nakalipas na taon ay umaabot sa mahigit 40 kaso o election related incident ang naitala nito lamang nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan election.

Nabatid pa na umaabot sa 16 private armies ang nabuwag ng mga awtoridad at nabawi ang may 100 firearms sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon .

Tiniyak ni Galvez na dadami pa ang nasabing bilang sa mga darating na buwan dahil sa pagsisikap ng pamahalaan.

Kaugnay nito, pinagtutulungan ng Department of Interior and Local Government at Defense departments sa pangunguna ng Commission on Elections na makabuo ng mga peace covenant na lalagdaan ng mga kandidato bago pa sumapit ang 2025 midterm elections. VERLIN RUIZ