UMABOT sa 21,700 pirasong election-related materials ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kalakhang Maynila matapos ang idinaos na midterm elections nitong nakaraang Lunes.
Sa post clean-up report ng MMDA – Metro Parkway Clearing Group (MPCG) matapos ang eleksyon ay nasa 23.42 tonelada ng iba’t ibang campaign materials ang nahakot nila na may katumbas ito ng pitong dump trucks.
Gamit ang scraper at sprayer ay tulong-tulong na nilinis ng clearing operations team ang mga election materials na nasa mga pader at bakod sa mga pangunahing lansangan.
Inalis din ang mga poster na nakasabit sa mga poste at kawad ng koryente at mga puno gamit ang man lifters habang winalis naman ng mga street sweepers ang mga leaflets, sample ballots at flyers na nasa paligid ng mga pampublikong paaralan na nagsilbing mga presinto.
“Target nating alisin ang mga campaign materials sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at ayusin ang mga eskwelahan ngayong linggo para makapaghanda sa pasukan sa susunod naman na buwan,” pahayag ni MMDA Chairman Danilo Lim.
Ayon naman sa hepe ng MPCG na si Francis Martinez, 134,700 piraso o 145 toneladang election-related materials ang nakumpiska nila sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa ilalim ng “Oplan Baklas” na sinimulan bago pa ang eleksyon.
Ang “Oplan Baklas” campaign na sinimulan noong Marso 1 ay ang pagtatanggal ng mga campaign materials na wala sa designated areas na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC).
“May kabuuang 168.84 tonelada ang nakolekta namin para sa eleksyong ito,” pahayag ni Martinez.
Ang mga nakolektang campaign materials ay dinala sa ilalim ng flyovers sa Santolan at Nagtahan ang mga nakolektang campaign materials para ma-recycle.
“Maaaring makipag-ugnayan sa amin ang mga grupong nangangailangan ng tarpaulins na ginamit ng mga kandidato para gawin itong bag, place-mats, at iba pang gamit na pwedeng pakinabangan,” paliwanag ni Martinez.
Pahayag pa ni Martinez na mas mababa ang nakolektang basura ngayong taon kumpara sa 206 tonelada noong nagdaang 2016 national elections.
Pinakamarami sa nakuhang mga campaign materials sa Metro Manila ay sa Maynila, Quezon City, Parañaque at Makati. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.