23 URI NG BAKUNA PARA SA DENGUE PINAG-AARALAN NG DOH

PINAG-AARALAN  ng Department of Health ang 23 uri ng bakuna para sa dengue kasabay ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dinadapuan ng nasabing sakit sa buong bansa.

Ayon kay Health Officer in Charge Maria Rosario Vergeire, ang 23 bakunang ito ay nasa emergency medicine list ng WHO are pinag-aaralan pa ito ng maigi para magkaroon ng rekomendasyon sa Presidente.

Hindi naman binanggit ni Vergeire kung kasama rito ang kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine na isinulong ng ilang health sector.

Una nang sinabi ni Vergeire na isa sa ikinokonsidera nila ang Dengvaxia, ngunit kailangan muling sumailalim ito sa masusing pag-aaral.

Samantala, lumobo ang kaso ng dengue na naiulat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Hindi na nagtaka rito.si Infectious Disease Expert Rontgene Solante dahil year in-year out ay sadyang mataas ang dengue cases lalo’t apat na stereotypes ng sakit ang naririto sa Pilipinas.

Ito ay ang DENV-1, DENV-2, DENV-3, at ang DENV-4 dahilan para mapabilang ang Pilipinas sa listahan ng World Health Organization (WHO) bilang isa sa mga bansa sa Asia na may mataas na kaso ng dengue.

Dagdag ni Solante, nagsisilbing contributory factor sa pagtaas ng kaso ng dengue ang panahon partikular ngayong tag-ulan.

Kaya naman payo ng eksperto, gawing prayoridad ang prevention, maglinis ng kapaligiran at agad na magpakonsulta sa mga doktor kung may nararamdaman para hindi mauwi sa kumplikasyon ang sitwasyon.