INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na lamang sa mahigit 40,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala na lamang sila ng 2,303 bagong kaso ng COVID-19 kahapon.
Batay sa DOH case bulletin #598, na inisyu dakong 4PM nitong Nobyembre 2, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na sa 2,792,656 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.5% na lamang o 40,786 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman, kabilang dito ang 71.2% na nakakaranas ng mild cases, 13.02% na moderate cases, 7.5% na severe cases, 5.1% na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 3.2% na kritikal.
Nakapagtala rin ang DOH ng 4,677 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,708,466 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.0% ng total cases.
Mayroon ding 128 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19 kaya’t mayroon nang kabuuang 43,404 COVID-19 deaths o 1.55% ng total cases ang Pilipinas.
Samantala, iniulat pa ng DOH na mayroon pa rin namang 22 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 19 recoveries.
Mayroong 106 pasyente na unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay nireklasipika matapos na lumitaw sa pinal na balidasyon na binawian na pala sila ng buhay.
“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 31, 2021 habang mayroong 8 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 8 labs na ito ay humigit kumulang 1.2% sa lahat ng samples na naitest at 1.0% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” ayon sa DOH.
Sa kabila nang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang kaso, patuloy pa rin ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante at manatiling maging maingat upang hindi dapuan ng COVID-19. Ana Rosario Hernandez