PAMPANGA-TINATAYANG nasa 231 gramo ng Kush o high grade Marijuana ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang kargamento na naglalaman ng kontrabando na nagmula pa sa Spain na nagkakahalaga ng P392,700 ang mga parcel.
Isinagawa ang operasyon ng BOC Port personnel, katuwang ang PDEA , Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP).
Unang idineklara na naglalaman ang mga kargamento ng “city comfort bufanda mujer invierno.”
Subalit, nang isalang sa masusing pagsusuri ay nadiskubre ang dalawang plastic pouches na naglalaman ng dried leaves, buds, at stems sa kargamento mula sa Madrid.
Dumating sa Pilipinas ang unang shipment na nagmula sa Madrid noong Marso 27 habang noong Abril 3 naman dumating sa bansa ang ikalawang shipment mula sa Barcelona.
Samantala, tatlong vacuum-sealed packs naman ang nakita sa shipment mula sa Barcelona.
Hindi muna kinilala ang mga consignee ng dalawang kargamento na sinasabing taga Quezon City at Marikina City.
Dinala ang samples sa PDEA para sa chemical laboratory analysis at dito naberipika na marijuana ang laman ng mga kargamento.
Agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad laban sa dalawang shipment dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 (f) ng Republic Act 10863 na may kinalaman sa Section 4 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hawak ngayon ng PDEA ang mga ilegal na droga para sa wastong disposisyon. VERLIN RUIZ