PINALAKAS ng DepEd ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng nationwide tree planting activity.
Kasama ang mga pampublikong paaralan at field offices sa buong bansa, pinangunahan ng Department of Education (DepEd) ang sabay-sabay na pagsasagawa ng 236,000 Puno ng DepEd – Isang Regalo ng Pasko para sa mga Bata.
Pinangunahan nina DepEd Undersecretary Michael Wesley T. Poa, National Capital Region Director Jocelyn Andaya, at Pasig Representative Roman Romulo ang pangunahing programa na isinagawa sa Pasig Central Elementary School.
Nakiisa rin sa programa ang mga opisyal ng DepEd, guro at mag-aaral sa kani-kanilang lugar.
Ang nasabing proyekto ay nilahukan ng humigit-kumulang 47,678 pampublikong paaralan.
Alinsunod sa DepEd Memorandum No. 69, series of 2023, binanggit ng Bise Presidente ng Pilipinas at Kalihim ng Edukasyon na si Sara Z. Duterte na ang inisyatiba ay naglalayong isulong ang pangangalaga sa kapaligiran at itanim ang responsibilidad sa kapaligiran sa mga batang Pilipino.
Higit pa rito, ibinahagi ng DepEd na ang tree planting activity ay regalo ng Departamento para matiyak ang malinis at luntiang kapaligiran para sa mga batang Pilipino at mga susunod na henerasyon.
Bago ang pagsasagawa ng programa, nilagdaan ng DepEd, Office of the Vice President at Department of Environment and Natural Resources ang Memorandum of Agreement para sa programang pinamagatang Pagbabago: A Million Trees Campaign.
Elma Morales