CAVITE – UMABOT na sa 237 ang mga lumabag sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang dinampot ng mga awtoridad sa isinagawang magdamagang anti- criminality campaign sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Cavite kamakalawa at kahapon ng madaling araw.
Sa talaan ng Cavite Provincial Investigation and Detection Management Unit, unang dinampot ang 115 pasaway na residente mula sa mga bayan at lungsod ng Bacoor,Carmona, General Mariano Alvarez (GMA), Indang, Maragondon, Mendez, Naic at Rosario noong Miyerkoles ng madaling araw.
Hinuli ang 115 residente dahil sa hindi pagsusuot ng face mask, walang maipakitang quarantine pass, pag-inom ng alak sa labas ng bahay, at paglabag sa curfew hours kung saan,28 violators ang pinag-community services, 9 naman ay pinagmulta habang 41 ang binigyan ng warning saka pinalaya.
Samantalang nasa 122 violators naman ang dinampot sa mga bayan ng lungsod ng Bacoor, Carmona, Imus, Indang, Maragondon, Noveleta, at sa bayan ng Rosario kahapon ng madaling araw.
Pinag-community services naman ang 13 violators habang 18 ang pinagmulta at 91 naman ang sinermonan at binalaan bago pinalaya. MHAR BASCO
Comments are closed.