23,883 BAGONG KASO NG COVID-19 NAITALA SA LOOB NG ISANG LINGGO

NAKAPAGTALA  ng 23,883 bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa nakalipas na isang linggo.

Sa COVID-19 case bulletin ng Department of Health (DOH), naitala ang mga dagdag na kaso mula Agosto 15 hanggang 21, 2022.

Mas mababa ito ng 15 porsyento kumpara sa mga napaulat na kaso ng nakahahawang sakit noong Agosto 8 hanggang 14.

Nasa 3,412 naman ang daily average cases.

Samantala, may 101 na bagong severe and critical cases habang 321 naman ang pumanaw sa nakalipas na linggo.

Lumabas din sa datos na nasa 30.2 porsiyento ang non-ICU bed utilization, kung saan 6,677 sa 22,076 non-ICU beds ang gamit.

27 porsiyento naman ang ICU bed utilization, kung saan 699 sa 2,586 ICU beds ang gamit.

Nasa 811 ang severe and critical admissions, o 9.7 porsiyento ng kabuuang COVID-19 admissions.

Sa kabila nito ay nabawasan ng 15 posiyento ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Sa Twitter, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na base ito sa nakalap na datos hanggang Agosto 21.

Bumaba rin ang reproduction number sa NCR sa 1.03 hanggang Agosto 18, kumpara sa 1.11 noong Agosto 11.

Nasa 1,055 naman ang seven-day average ng mga kaso o average daily attack rate (ADAR) na nasa 7.32 kada 100,000.

Sinabi pa ni David na bumaba rin sa 14.6 porsiyento ang positivity rate sa Metro Manila hanggang Agosto 20.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa moderate risk ang Metro Manila.