MAY 23,000 taxi at transport network vehicle services (TNVS) units ang papayagang bumiyahe sa pagsisimula ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila ngayong araw.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), inaprubahan nito ang karagdagang 17,000 TNVS units upang mag-operate, para sa kabuuang 23,067.
Karamihan sa units ay TNVS na may 18,620, habang ang taxis ay may 4,438 units.
“Sa pagbalik ng operasyon, ipinagbibigay alam ng ahensiya na walang taas-pasahe para sa mga aprubadong taxi at TNVS units, at cashless na transaksiyon lamang ang papayagan bilang paraan ng pagbabayad,” sabi ng LTFRB.
Bukod dito ay kinakailangan ding magsuot ng face mask ang mga pasaherong sasakay sa nasabing units.