IMBES na gumastos ang mga estudyante sa coffee shops o fast-food na may libreng Wi-Fi para lamang makapag-research, mas mainam na sa mga 24/7 public library na lamang sila magpunta dahil maliban sa mas ligtas, mas nakaka-focus sila sa kanilang ginagawa.
Ito ang panukala ni Senador Sonny Angara kasabay ang panawagan sa mga opisyal ng pamahalaang lokal na magtatag ng library sa kani-kanilang bayan na maaaring puntahan ng mga mag-aaral kahit dis-oras ng gabi para makagawa ng kanilang assignments.
“Kung mayroon tayong mga 24-hour library, tiyak na mas maayos na magagawa ng mga estudyante ang kanilang mga takdang-aralin dahil tahimik ang lugar, maginhawa sa pakiramdam at ‘di kailangang gumastos para lamang makagamit ng wifi,” ani Angara na nasa Cebu ngayong araw kasama ang mga kapartido nito sa Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) para sa kanilang proclamation rally.
Ang Cebu City ang kauna-unahang bayan sa buong bansa na nakapagtayo ng 24/7 public library.
Mula nang maitayo ang nasabing library, umabot na sa mahigit 100,000 katao ang bumisita rito at nakinabang sa napakagandang proyekto ng pama-halaang lokal.
Liban sa Cebu City, may public library na rin ang mga lungsod ng Makati at Quezon sa Metro Manila.
“Umaasa po tayo na magiging ehemplo ng iba pang mga lokal na ehekutibo ang ginawa ni Mayor Osmeña dahil sa kanyang malaking pagpapahalaga sa edukasyon at sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan,” ani Angara, kilalang kampeon ng edukasyon at muling tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng platapormang Alagang Angara.
Matatandaang nitong Marso, hinimok ni Angara ang administrasyon na palakasin nito ang implementasyon ng libreng internet access sa mga pam-publikong lugar, partikular sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo o SUCs sa buong bansa, alinsunod sa isinasaad ng RA 10929.
Sa ilalim ng naturang batas na pinagtibay ni Pangulong Duterte noong 2017 na siyang lumikha sa free internet access program, inaatasan ang De-partment of Information and Communications Technology o DICT na pangunahan ang pagpapatupad ng free wifi sa mga pampublikong lugar, kabilang ang SUCs.
Ikinalungkot, gayunman ni Angara ang datos mula mismo sa DICT na nagsasabing sa kabuuang 112 SUCs na sakop ng naturang proyekto, 17 lamang sa mga ito ang may aktuwal na koneksyon sa wifi.
Mababatid na isa sa mga adbokasiya ni Angara ang pagsusulong ng edukasyon kaya’t naging isa siya sa mga awtor ng free education mula kinder-garten hanggang kolehiyo.
Kabilang si Angara sa mga may-akda ng Free College Education at Free Kindergarten Law, habang ang kanyang namayapang ama naman na si da-ting Senate President Edgardo Angara ang may akda ng Free High School Act, na sumiguro sa secondary education maging ng pinakamahihirap na pamilya sa bansa.
Isa rin si Angara sa mga awtor nang kakapasa lamang na Student Fare Discount na naglalayong gawin nang permanente ang diskwento sa pamasahe ng mga estudyante sa buong taon, mula Lunes hanggang Linggo. Sakop ng diskwentong ito ang lahat ng uri ng transportasyon tulad ng eroplano at mga sasakyang pandagat. VICKY CERVALES
Comments are closed.