24/7 VACCINATION SA MAYNILA

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang vaccination sa lungsod kontra COVID-19 ay gagawin ng 24/7 o 24-oras sa loob ng isang linggo sa tatlong vaccination sites sa bawat isang distrito kapag available na ang mga bakuna kung saan ang Maynila ay may anim na distrito.

Kaugnay pa nito, inilunsad din ang ‘Bayanihan sa Maynila’ program na may panawagan sa lahat ng volunteers na tumulong sa planong 24/7 citywide vaccination.

Ayon kay Moreno, mangangailangan ang pamahalaang lungsod ng may 200 volunteers na bibigyan ng pagkain at totoka sa gabi upang makapagpahinga naman ang mga pang-umaga.Ang mga kailangan ay doctors, nurses, licensed vaccinators, medtechs, midwives, pharmacists at iba pang allied health professionals at encoders.

Sinabi pa ni Moreno na ang mga volunteers ay sasanayin sa panahong nasa enhanced community quarantine (ECQ) period at habang naghihintay pa ng allotment ng vaccines na magmumula sa national government para kapag dumating na ang mga ito, ang bagong vaccinating teams ay handa na. Ang mga interesado ay maaaring tumawag sa 0995-106-9524 (Globe) at 0960-604-0771 (Smart).

Ginawa ng alkalde ang anunsiyo sa groundbreaking ceremony sa Dr.
Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc na siyang pinakamalaking proyekto sa usapin ng pagpapatayo ng mga paaralan na kaparehas ng pribadong institusyon na may kabuuang 1.5 ektaryang lupa.

Mula sa dalawang palapag na kasalukuyang paaralan ng A. Albert Elementary kapag natapos na ang bagong paaralan,ito ay magiging 10 palapag kung saan mayroong 234 fully-airconditioned classrooms at 16 offices at state-of-the-art facilities tulad ng modern library, canteen, auditorium at seven stairs node.

Mayroon din itong malawak na open field, roof deck na puwedeng i-convert sa outdoor exercise area at gymnasium para sa physical activities at 10 elevator units na may kabuuang capacity na 240 katao.

Ayon kay Moreno sa pagtatayo ng mga modernong paaralan ay hangad niya na maranasan ng mga mag-aaral sa publikong paaralan kung ano ang nararanasan ng kanyang mga anak na nag-aaral sa pribadong paaralan. VERLIN RUIZ

5 thoughts on “24/7 VACCINATION SA MAYNILA”

Comments are closed.