MAHIGIT sa 24,000 barangay sa buong bansa ang nalinis na o naideklara nang cleared mula sa ilegal na droga, simula nang umpisahan ng administrasyong Duterte ang kanilang war on drugs noong kalagitnaan ng taong 2016.
Base sa pinakahuling Real Numbers data na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Sabado, hanggang nitong Marso, nasa 24,766 na mula sa kabuuang 42,045 barangays ang naideklara nang drug-cleared habang 6,575 barangays naman ang drug unaffected/drug-free barangays at 10,704 ang hindi pa nalilinis mula sa illegal drugs.
Nabatid na ang mga naturang barangay ay nakaabot sa drug-cleared status matapos na maisyuhan ng sertipikasyon ng mga miyembro ng oversight committee on barangay drug-Clearing program.
Tiniyak din ng ahensiya na ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga ahente ang kanilang prayoridad sa kanilang mga anti-drug operations.
Anang PDEA, nakakumpiska rin sila ng kabuuang P88.83 bilyong halaga ng narcotics sa buong bansa.
Kabilang sa mga nakumpiska ay 11,788.83 kilo ng shabu, 10,157.27 kilo ng marijuana, 163.295 piraso ng ecstasy, 530.24 kilo ng cocaine, habang nabuwag naman ang kabuuang 1,111 drug dens at 19 clandestine shabu laboratories mula Hulyo 2016 hangang Marso 2022.
Nasa kabuuang 14,888 high-value targets ang naaresto sa buong bansa kabilang ang 6,632 HVTs na naaresto mula sa mga high impact operations, 4,030 target-listed suspects, 1,619 drug den maintainers, 797 drug group leaders/members, 522 government employees, 400 elected officials, 360 foreigners, 295 na kabilang sa wanted lists, 126 uniformed personnel, 78 armed group members at 24 prominent personalities.
Nakaaresto rin ng 336,796 indibidwal na sangkot sa illegal drugs sa nasabing panahon.
Iniulat din ng PDEA na sa kanilang consolidated report, lumilitaw na 6,241 drug suspects ang napatay sa may 233,356 anti-illegal drug operations na naisagawa sa buong bansa.
Mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2022, nakaaresto rin ng 4,307 menor de edad, kabilang dito ang 2,532 pushers; 987 possessors; 522 users; 234 visitors ng drug den; siyam na drug den maintainers; 17 drug den employees, tatlong cultivators, isang clan lab employee, at dalawang runners. EVELYN GARCIA