NASAGIP ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Parañaque City Police Station (CPS) kabilang ang mga tauhan ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) at nag-iisang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 24 banyagang babae na biktima ng human trafficking nitong Setyembre 26 ng gabi.
Base sa report na natanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Brig. Gen. Jonnel Estomo, matagumpay na naisagawa ang rescue operaton dakong alas-11:30 ng gabi sa Room 28B at 30B, Caseana Residence, Brgy. Tambo, Parañaque City.
Sinabi ni Estomo na sa isinagawang operasyon ng pag-rescue ay nadakip ang dalawang suspek na namamahala sa lugar na sina Du Wei, 36-anyos at Fang Zeng, 28-anyos, kapwa Chinese nationals.
Ayon kay Estomo, nag-ugat ang pagsasagawa ng operasyon matapos makatanggap ang Parañaque police ng impormasyon na maraming mga Chinese nationals na kababaihan ang namamataan sa lugar.
Kaya’t nagsagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng SIS at nang magpositibo ay agad naglatag ang mga operatiba ng rescue operation na nagdulot ng pagkakasagip ng 24 babaeng biktima ng human trafficking na kinabibilangan ng 10 Chinese nationals at 14 na Vietnamese nationals.
Ang mga nasagip na mga kababaihan ay pansamantalang nasa kustodiya ng WCPD Section habang naghihintay sa pagdating ng kanilang interpreter bago ilipat ang mga ito sa pamamahala ng DSWD para sumalalim sa debriefing at counselling.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 9208 o anti-trafficking in persons act of 2003 ang dalawang suspek na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng Parañaque CPS.
MARIVIC FERNANDEZ