24-HOUR OPS SA DOMESTIC AIRPORTS, SUPORTADO NG DOTR

Senadora Loren Legarda

IMINUNGKAHI ni Senadora Loren Legarda sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na gawing 24 oras ang operasyon ng mga domestic airport sa bansa.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2019 budget ng DOTr,  sinabi ni Legarda, chairman ng Senate Committee on Finance, na kung magiging 24 oras ang operasyon ng mga domestic airport sa mga probinsiya ay malaking tulong ito,  hindi lamang sa turismo kundi ma­ging sa ekonomiya.

Paliwanag ng senadora, kung bukas ang mga domestic airport sa buong bansa kahit gabi ay mas maraming turista ang magtutungo.

Aniya, kapag 24 oras na bukas ang airport ay maraming magtatayo ng mga food chain, carinderia at iba’t ibang maliliit na negosyo na malapit sa paliparan, na makatutulong sa kabuhayan ng mga residente sa lugar.

Bukod dito, ipinaliwanag din ni Legarda na kapag tuloy-tuloy ang operasyon ng paliparan ay magkakaroon din ng pagkakataon ang mga nasa transportation business tulad ng mga taxi at jeepney, na pumasada ng 24 oras dahil tuloy-tuloy ang pagdagsa ng mga pasahero.

Sinuportahan naman ito ni DOTr Secretary Arthur Tugade kung saan nais din nito na maipatupad ang 4-day work week para mapalakas ang local tourist sa bansa.

Paliwanag ng kalihim, kung may nalalabing tatlong araw na bakasyon sa loob ng isang linggo, tiyak na ang mga manggagawa mismo ang magiging local tourist sa mga probinsiya. VICKY CERVALES