LEGAZPI CITY – NAGTAYO ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng 24 motorist assistance centers sa buong rehiyon upang masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng mga motorista ngayong Kapaskuhan.
Sa ilalim ng programang “Lakbay-Alalay” mag-ooperate ang mga center mula Disyembre 24 hanggang 26 at mula Disyembre 31 hanggang Enero 2, mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Ayon kay DPWH Regional Director Virgilio Eduarte, inatasan niya ang lahat ng district engineering offices na mag-deploy ng composite teams na binubuo ng mga kinatawan mula sa regional at district engineering offices upang tumulong sa mga biyahero.
Nakipag-ugnayan ang DPWH sa Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan upang magbigay ng komprehensibong assistance.
Sa Camarines Sur, limang assistance centers ang itinayo sa pangangailangan ng traffic assistance dahil sa congestion sa Rolando Andaya Highway.
Sa kasalukuyan, tatlong bahagi ng Andaya Highway ang muling binuksan para sa two-way traffic habang patuloy pa rin ang pagsasaayos sa natitirang bahagi.
RUBEN FUENTES