TINAPOS na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng libreng sakay sa loob ng 24 oras at pinayagan na nito ang pangongolekta ng pamasahe araw araw sa EDSA Bus Carousel mula alas-11 ng gabi hanggang alas- 3 ng madaling araw.
Kinumpirma nitong Martes ng LTFRB na hindi na kaya pa ng gobyerno ang libreng sakay kaya nagdesisyon na sila na ipatupad ang fare box system.
Inilabas ng LTFRB ang kumpirmasyon matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa ilang mga pasahero na kailangan pa nilang pumila ng mahabang panahon sa EDSA Bus Carousel kamakalawa ng gabi.
Naghintay pa umano ang mga dispatchers ng hanggang alas- 11 ng gabi bago payagang makasakay ang mga pasahero para maningil ng pamasahe.
Sinabi rin nito na mas kaunti ang mga bus na dumadaan sa ruta.
Gayunman, sinabi ng LTFRB na maglalabas ito ng regulasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng EDSA Bus Carousel upang hindi na magtagal ang mga commuters sa mahabang pila.
Ang programang “Libreng Sakay” para sa EDSA Bus Carousel ay itinakda lamang mula 4 a.m. hanggang 11 p.m. hanggang Disyembre 2022. BENEDICT ABAYGAR, JR.