NAHARANG ang tangkang pagpuslit sa 24 biktima ng Trafficking in Person (TIP) nang masabat ng magkasanib na puwersa ng lokal na pulisya at Philippine Coast Guard (PCG) ang barkong maghahatid sa mga ito patungong Malaysia nitong Sabado ng hapon.
Lulan ang mga biktima sa barkong maghahatid sa kanila sa Malaysia nang harangin ng lokal na pulisya at PCG sa pantalan ng Isabela City sa Barangay Shipyard Main sa Basilan dakong ala-5 ng hapon nitong Sabado.
Ayon sa ulat, ni-recruit ang mga biktima na may edad 11 hanggang 60 sa iba’t ibang lugar sa Zamboanga City, Zamboanga del Norte. Zamboanga del Sur, Misamis Occidental at Basilan.
Batay sa report, lalabas ng bansa ang mga ito sa tinatawag na southern backdoor at ihahatid sila sa iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa Malaysia.
Samantala, inasistihan ng Coast Guard Station-Isabela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Maluso, Isabela City para sa pangangailangan ng mga biktima at pagbabalik sa kanilang mga pamilya.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para matukoy at madakip ang mga illegal recruiter. BETH C