24 WAGI SA 2023 PAGCOR PHOTO CONTEST

DALAWAMPU’T APAT mula sa 5,400 photo entries ang nanalo sa katatapos na 2023 Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Photography Contest.

Nanguna sa pagbibigay ng award si PAGCOR Chairman and CEO Alejandro Tengco nitong Miyerkules na ikinagalak ang maraming participants kahit pa katatapos lamang ng pandemya.

Sa record, anim na taon natigil ang patimpalak sa pagandahan at pahusayan ng pagkuha ng larawan.

“We were overwhelmed by the significant number of participants who joined this photo competition. Because of this project’s success, we will make this photography competition an annual event, “ ayon sa PAGCOR chairman.

Ayon naman kay Ramon Stephen R. Villaflor, Vice President ng PAGCOR, sinabi nito na 12 sa mga nanalo ay sa conventional photography na tumanggap ng P80,000 bawat isa.

Labindalawa naman ang nanalo sa mobile category na nag-uwi ng P35,000 bawat isa.

Ang mga nananalo ay mula sa iba’t ibang rehiyon sa habang nakatanggap din ng gantimpala ang mga pumasok sa grand finals kung saan P25,000 ang natanggap ng mga nasa conventional category at P10,000 sa mobile category.

Samantala, ibinida naman ni Villaflor sa pulong balitaan ng Public Information Agency (PIA) kahapon na nasa 41% na ang completion ng kanilang proyektong pagpapatayo ng evacuation centers na ngayon ay nasa 36 na at pinakikinabangan na biktima ng kalamidad.

Habang ang flagship program ng PAGCOR ay ang pagpapatayo ng mga paaralan at e-learning centers.

Kasama ni Villaflor humarap sa media sina PIA director general Joe Torres Torres at iba pang opisyal ng PAGCOR na sina Catalino Alano Jr., Eric I. Balcos at Carmelita Valdez na pawang may mga ranggong assistant vice presidents gayundin si Atty. Renfred C. Tan, senior manager for OGLD-PAGCOR.
EUNICE CELARIO