240 OBRERO NAWALAN NG KITA INAYUDAHAN NG ACT-CIS

Construction

NASA 240 na construction workers na nawalan ng kita nang ihinto ng Cecon Corp.  ang kanilang ginagawa sa  Ortigas, Pasig City ang tinulungan ng ACT-CIS partylist.

Nasa 104 na construction workers ang natulungan sa itinigil na construction sites sa Exchange Square Project  habang nasa 136 ding abandonadong manggagawa  rin sa One Filinvest,na proyekto rin ng Cecon ang naabutan ng tulong sa pangunguna ni Cong. Nina Taduran.

Kasabay nito nanawagan naman ang ACT-CIS partylist sa Department of Labor and Employment (DOLE)  para imbestigahan  ang nasabing kompanya  sa paglabag sa minimum wage law at pag-abandona sa mga manggagawa nito sa kanilang construction sites sa gitna ng ipinapatupad na luzon-wide lockdown sa bansa dahill sa pagkalat ng COVID-19.

Pinuntahan ni Congw. Nina Taduran ang construction sites sa Exchange Square project para alamin ang sitwasyon ng mga construction worker matapos mag-viral ang mga inabandonang manggagawa sa social media na nanghihingi ng bigas at pang-ulam.

Nagbabala naman si Cong Eric Yap ng ACT -CIS na hindi nila palalampasin ang paglapastangan ng mga employer sa kanilang manggagawa lalo na ngayong panahon ng COVID-19.

Ayon kay Junrel dela Cruz, ang tagapagsalita ng mga manggagawa, sumasahod lamang sa P375 kada araw ang ordinaryong laborer, habang ang karpintero ay kimukita lamang ng P475 kada araw na hindi tugma sa pinaiiral na below minimum wage sa Metro Manila. Ang sub-contractor ang nagbibigay ng pasahod mula sa Cecon Corp.

Dagdag pa ni Dela Cruz kay Taduran na simula nang mag-lockdown nitong Marso 15, sila na ang gumagastos ng kanilang pagkain mula sa huli nilang sweldo.

“At noong tinanong ng mga manggagawa kung makakahingi sila ng ayuda sa DOLE sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures program, sinabihan daw sila ng kumpanya na hindi makakapag-apply. Eh paano nga ba makakapag-apply, mababa sa minimum wage ang sahod nila at hindi pa pala nagbabayad ng social at health insurance ang kumpanya,” dagdag ni Taduran. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.