246 BARANGAYS IREREKOMENDA NG PNP BILANG AREAS OF GRAVE CONCERN SA BSKE

AABOT sa 246 barangay ang irerekomenda ng Philippine National Police (PNP) na mapabilang sa “red category” o “areas of grave concern” para sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon.

Nasa 1,248 barangay naman ang kanilang irerekomenda na mapabilang sa “orange category” na pangalawang pinakamataas na antas ng seguridad, at 1,100 naman sa “yellow category”.

Paglilinaw ni Fajardo na rekomendasyon pa lamang ito at na tatalakayin pa sa pagpupulong ng National Joint Peace and Security Coordinating Center kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard.

Pagkatapos aniya nito ay isusumite nila ang pinal na rekomendasyon sa Committee on Firearms Ban and Security Concerns upang mapagdesisyunan ng COMELEC en banc. EUNICE CELARIO