INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr., na mahigit sa 24,000 na ang naarestong drug personalities sa ilalim ng bagong multi-sektoral na programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA).
Ayon kay Abalos, tuloy-tuloy ang isasagawang mga drug raid at operasyon ng pulisya at iba pang drug enforcement units sa ilalim ng BIDA program bukod pa sa pagbibigay pokus sa demand reduction at rehabilitasyon ng drug users.
Sinabi rin nito na inaasahan ng pamahalaan ang suporta ng publiko at ng lahat ng sektor ng lipunan sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pagreport ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar sa mga autoridad.
Binigyang-diin niya na hindi lang dapat ang pulisya ang kumikilos kundi pati ang mga mamamayan sa kampanya laban sa droga. Lahat aniya ay dapat kumikilos at maging BIDA advocates.
Samantala, sinabi rin ni Abalos na bibigyan din ng pokus ng BIDA ang pag-alalay sa mga nalulong sa bawal na gamot para tuluyan silang magbagong-buhay.
Mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 24, 2022, may 24,159 drug personalities na ang naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
May kabuuang P9.9-bilyong piso na ring halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa mga drug operations na isinagawa ng pulisya.
Noong Sabado, halos 25,000 katao ang dumagsa sa Quezon City Memorial Circle para sa BIDA grand launching kung saan sila ay nagpahayag ng pledge of support para sa kampanya. EVELYN GARCIA