NAKAALIS na ng Pilipinas ang may 24,000 foreign workers ng Philippine offshore gaming operators (POGOs), ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang bilang ay mula sa 33,000 manggagawa na nakarehistro sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Samantala, 8,000 manggagawa ang nag-aplay para sa downgrade ng kanilang work visa sa visitor’s visa.
“There are only a few left. Less than a thousand are unaccounted for. We will continue to seek them out,” ani Viado.
Kasabay nito ay pinaalalahanan niya ang foreign POGO workers na mayroon silang hanggang katapusan ng taon para umalis ng bansa.
“After Dec. 31, the bureau would start blacklisting them,” anang BI chief.
Matatandaang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo ang pagbabawal sa mga POGO matapos masangkot ang ilan sa mga ito sa iba’t ibang ilegal na aktibidad.
Noong nakaraang Nobyembre 5 ay nagpalabas si Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ng Executive Order (EO) 74, na nag-uutos sa agad na pagbabawal sa POGOs, Internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa bansa.
Sakop ng EO 74 ang Internet gaming licensees (IGLs) at iba pang offshore gaming licensees.
Saklaw rin ng ban sa POGOs/IGLs at iba pang offshore gaming operations ang license applications, license renewals, at pagtigil ng operasyon.