25 DRUMS NG KEMIKAL SA PAGGAWA NG SHABU NASABAT

CEBU- NASABAT ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 25 drums ng hydrochloric acid, isang kemikal na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga gaya ng shabu na lulan ng foreign vessel sa Lapu-Lapu City.

“Hydrochloric acid “is categorized as a controlled precursor and essential chemical (CPEC) under Table II of the Philippine Table of CPEC annexed in the RA (Republic Act ) 9165 (or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) as it is a component in the manufacture of illegal drugs like shabu,’’ batay sa inilabas na pahayag ng PDEA nitong Linggo.

Una dito, hiniling ng Bureau of Customs (BOC) Port of Cebu sa PDEA Regional Office 7 na siyasatin ang mga drum ng mga unmanifested na kemikal na sakay ng isang Liberian vessel na lehitimong naka-angkla sa Barangay Pajo, Lapu-Lapu City nitong Setyembre 30.

Agad namang nagsagawa ng inspeksyon ang mga ahente ng PDEA Regional Office 7 K9 Unit ngunit wala umanong nakitang iligal na droga sa barko.

Gayunpaman, nalaman ng PDEA inspectorate team na ang 25 drums ay naglalaman ng 5,000 litro ng hydrochloric acid ngunit hindi pa batid kung ang kemikal ay idadaong sa bansa.

Ipinaliwanag ng PDEA na ang pag-aangkat ng mga CPEC ay may kaakibat na paglabag sa RA 9165 at ng Customs Law.

Sa nasabing paglabag, ang 25 drums na naglalaman ng Hydrochloric acid ay undocumented at kinumpiska ng BOC ayon sa mandato sa ilalim ng Customs Law at kasalukuyang naka-imbak sa secured container yard ng ahensiya sa Cebu City. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ