25 GOV’T OFFICIALS SA METRO MAY DEATH THREATS

INIHAYAG ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umaabot sa 25 government officials sa Metro Manila ang umano’y may death threats.

Ayon sa NCRPO, batay na rin sa kanilang isinagawang threat assessment kinabibilangan ito ng tatlong kongresista, dalawang alkalde, isang bise alkalde, siyam na barangay chairman, dalawang kagawad at isang SK chairman.

Nabatid na nagsagawa ng validation ang Regional Intelligence Division ng NCRPO kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election (BSKE) at lumabas na may medium risk threat ang mga ito.

Sinabi ni NCRPO spokesperson Lt. Col. Eunice Salas na isa ang Metro Manila na kinonsidera kaya binabantayan ang seguridad ng mga ito.

“Sila ay napabilang sa medium risk kasi sa lugar nila merong intense political rivalry. Meron ding identified communist terrorist group. Maaaring nagkaroon din ng 2 insidente ng election-related incidents for the past 2 elections at maaaring nakatanggap din talaga sila ng mga actual death threats,” ani Salas.

Napag alaman pa kay Salas na agad din inutos ni NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang pagmomonitor sa seguridad ng mga local officials.

Dagdag pa ni Salas, inatasan na rin ni Nartatez ang lahat ng unit commanders na paigtingin ang seguridad lalo na sa identified areas na may intense political rivalry at koordinasyon sa mga pulitiko na may banta sa seguridad.

Kailangan na agad handa ng pulisya habang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Payo naman ni Nartatez sa mga elected government officials na may death threats na makipag-ugnayan sa kanilang mga chief of police para sa seguridad o karagdagang security personnel. EVELYN GARCIA