25 PANG OFWs MULA SA ISRAEL BALIK-PINAS

OFWs ISRAEL

DUMATING na sa bansa ang ikatlong batch ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Israel Lunes ng hapon.

Ang pinakahuling batch ng repatriates mula sa Israel ay kinabibilangan ng 17 caregivers at walong hotel workers.

Sinalubong sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Foreign Affairs (DFA).

Tatanggap ang mga repatriate ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P50,000 mula sa DMW, at P50,000 din mula sa OWWA.

Binayaran din ng Philippine government ang accommodation, food, legal service, at transportation expenses ng mga OFW bago sila ibiniyahe pauwi mula sa Israel.

Ang unang batch ng repatriates na binubuo ng 15 caregivers, isang hotel worker, at isang one-month-old baby ay dumating sa bansa noong October 18.

October 20 naman nang makauwi ang ikalawang batch na kinabibilangan ng 14 caregivers at apat na hotel employees.

Ang mandatory repatriation ng mga Pinoy worker sa Israel ay ikinasa sa gitna ng umiigting na bakbakan sa pagitan ng Israel at ng Hamas militantants.