SUMAMPA na sa 25 ang inulat na nasawi bunsod ng pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar sa Visayas-Mindanao na dulot ng shear line nitong Kapaskuhan.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at office of the civil defense, labing-anim sa mga naiulat na pagkamatay ay mula sa Northern Mindanao, limang nasawi ang naitala sa Bicol Region, habang ang Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula ay nagtala ng tig-2 ang nasawi.
Dagdag pa dito, may 26 pang katao na karamihan ay mga mangingisda ang nananatiling nawawala pagkatapos ng malawakang pagbaha bukod sa naitalang 9 na sugatan.
Labindalawa sa mga nawawala ay mula sa Bicol, habang 11 ay mula sa Eastern Visayas at Dalawa ang nananatiling nawawala sa Northern Mindanao, habang 1 pang nawawalang indibidwal ay mula naman sa Zamboanga Peninsula.
Nagtutulong-tulong na ngayon ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippine, Philippine Army at Bureau of Fire Protection kasama ang mga local search and rescue teams sa paghahanap sa mga naapektuhan ng flashflood sanhi ng malakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar.
Kahapon ng umaga ay pinangunahan ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairperson and Department of National Defense Officer in Charge, Sr Usec Jose Faustino Jr., at NDRRMC Executive Director Usec Raymundo Ferrer, ang isinagawang aerial inspection sa mga lugar na inilubog ng tubig baha.
Ayon kay DND OIC Usec Faustino layunin nilang malaman ang lawak ng pinsalang idinulot ng mga pagbaha partikular sa Misamis Occidental na kabilang sa mga hardest hit areas.
“The President is closely monitoring the situation in Misamis Occidental and other affected areas and has instructed the NDRRMC to continue providing all needed assistance. The NDRRMC is working with all relevant agencies to ensure that timely and appropriate support is given to the displaced families,” pahayag ni Faustino.
Kahapon, umaabot na sa P16 million halaga ng family food packs, food stuffs, bottled water, shelter kits, hygiene kits, blankets at financial assistance ang ipinagkaloob sa mga affected families sa Bicol, sa Visayas provinces, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Bangsamoro, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development, Office of Civil Defense (OCD), at Armed Forces of the Philippines.
Lalo pang tumaas ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura dulot ng naranasang pag-uulan sa ilang rehiyon sa bansa.Sa ngayon, humigit-kumulang P63.8 milyon halaga ng mga pananim, habang ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ay nasa sa humigit-kumulang P20.8 milyona sa Region 4-B, 5, 10 at CARAGA. VERLIN RUIZ