25,000 KILONG BIGAS PARA SA SOUTHERN LEYTE

DALAWANG  10-wheeler trucks na naglalaman ng mahigit 25,000 kilong bigas ang nakatakdang tumulak patungong Maasin, Southern Leyte bilang tulong ng Ako Bicol Party-list sa mga nasalanta ni super typhoon Odette.

Isa ang Southern Leyte sa mga lalawigang hinagupit ng matinding hangin at ulan dulot ng bagyo.

Matapos humupa ang unos, agad ipinag-utos ni AKB Rep. Zaldy Co ang paghahanda at paghahatid ng pagkain sa mga nasalanta sa naturang lungsod.

Itinuturing ng Ako Bicol ang Southern Leyte bilang “kapitbahay” kaya’t hindi nag-atubiling magpadala ng tulong sa pamamagitan ni Maasin City Mayor Nikko Mercado.

Matatandaang noong 2013, ang Ako Bicol Party-list, sa pangunguna ni Rep. Zaldy Co, ay isa sa mga unang dumating at tumulong nang hagupitin ng Bagyong Yolanda ang Tacloban at Leyte. Nagpadala si Congressman Co ng 20 dump trucks, boom truck at fuel tanker, kasama ang 19 na electricians, mechanics at cooks upang tulungang makabangon ang mga lalawigang napinsala.