251 PASYENTE SA OSPITAL INILIKAS DAHIL SA M6.1 LINDOL

DAVAO REGION-NAGKUKUMAHOG na inilikas ng mga tauhan ng Philippine Army 25th Infantry Battalion (25IB), 10th Infantry “Agila” Division ang 251 pasyente ng Davao de Oro Provincial Hospital sa itinakdang evacuation center sa Montevista Sports Complex, Montevista, Davao De Oro kasunod ng magnitude 6.1-quake na yumanig sa rehiyon kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Army Spokesman Col Xerxes Trinidad, agad na nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Montevista sa mga tauhan ng 25th IB para sa mabilisan paglikas ng mga pasyente sa ligtas na lugar.

Nabatid na nakikipagtulungan din ang tropa sa mga local government responder para sa pagsasagawa ng post-quake damage assessment.

Nakabantay ang mga tauhan ng Philippine Army disaster response units sa Davao Region dahil sa posibleng malalakas na aftershocks.

Maging ang bumibisitang si U.S Defense Secretary Lloyd Austin III ay nagpahayag nang nakahanda para tumulong sa mga residente ng Davao de Oro sakaling kailanganin nila.

“We stand ready to help in any way that we can. And again I think our AID (Agency for International Development) personnel are in the area, and they stand ready to help to provide humanitarian assistance when and where possible.

So please don’t hesitate to reach out if there’s a need,”ani Austin sa ginanap na pulong balitaan kahapon sa Camp Aguinaldo.

Kahapon ay nakapagtala na ng 377 aftershocks ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa bahagi ng Davao Region kasunod pa rin ng magnitude 6 na lindol na naramdaman sa Silangang bahagi ng Compostela sa Davao de Oro kamakalawa ng gabi.

Nasa magnitude 1.3 hanggang 3.6 ang mga naitalang pagyanig ng PHIVOLCS kung saan isa lamang sa bilang na ito ang naramdaman habang 59 ang plotted. VERLIN RUIZ