APEKTADO ang tinatayang 25,000 mga manggagawa dahil sa temporary shutdown ng isang car factory sa South Korea na epekto ng pagkalat ng novel coronavirus o nCoV.
Sinuspinde na ng mga awtoridad ang operasyon ng Ulsan Complex na kinaroroonan ng factory ng Hyundai Motors dahil sa kakulangan ng raw materials at spare parts mula sa China.
Itinuturing na ang naturang pagawaan ang pinakamalaking car factory sa buong mundo. May annual capacity ito na 1.6 million sasakyan.
Pansamantalang isinara ang supplier ng engine wiring harness na inaangkat ng South Korea mula sa China matapos magpositibo ang mga trabahador nito sa nCoV.
May 12 Chinese factories na supplier ng spare parts ng mga sasakyan ang isinara upang mapigil ang pagkalat ng coronavirus na kumitil na ng daa-daan sa nasabing bansa.
Kabilang sa mga nagsuspinde ng kanilang operasyon ay ang BMW, Daimler, Ford, Honda, Nissan, Renault, Tesla, Toyota, at ang Volkswagen Group at maging ang suppliers kasama ang Bosch.
Samantala, dalawang tourist attraction sa Cordillera region sa Filipinas ang nagsimulang mag-lockdown dahil sa lumalaganap na nCov sa bansa.
Kabilang sa nag-lockdown nitong Huwebes ay ang popular na Sakura gardens sa bayan ng Atok sa Benguet na dinadagsa ng mga turista dahil sa kakaibang flower gardens.
Maging sa bayan ng Tinglayan, Kalinga na tinaguriang world famous centenarian native tattoo artist na si Maria Oggay (Whang-od) sa Brgy. Buscalan ay isinara sa turista.
Pina-lockdown ng lokal na pamahalaan ang dalawang tourist spot upang mapigilan ang pagkalat ng nCoV sa bansa kung saan kinakailangang gumawa ng paraan para sa kaligtasan ng publiko sa nasabing lugar.
Ilulunsad ng lokal na pamahalaan ang massive internal information dissemination sa komunidad para malaman ng mga residente laban sa nCov.
Samantala, pinag-aaral na rin ng pamunuan ng Sagada sa Mt. Province na ipa-lockdown ang world-famous mountain sceneries na patuloy na dinarayo ng mga turista. MHAR BASCO/AIMEE ANOC