AMINADO ang celebrated lawyer na si Atty. Ferdinand Topacio na may special spot sa kanya ang mga ina dahil bilang isang anak, mahal na mahal niya ang kanyang ina.
Kaya naman sa kanyang iprinudyus na pelikulang “26 Hours: Escape from Mamasapano”, nakikiisa rin siya sa pagluluksa ng mga magulang at mga kapatid ng mga nasawing pulis sa kamay ng mga rebelde noong makasaysayang araw ng trahedyang kanilang sinapit noong Enero 25, 2015.
“I grieve for them and for all mothers na nawalan ng mga anak kasi ako man, close ako sa mother ko. Hanggang ngayon, naghahanap sila ng katarungan sa sinapit ng kanilang mga anak. How long will they have to wait? While the movie is a business in its art form, advocacy po ito in the national consciousness,” paliwanag niya.
Matatandaang si Topacio ang abogado ng mga magulang ng SAF 44 na nagsampa ng reklamong 44 counts of reckless imprudence resulting in homicide sa Ombudsman laban sa dating Pangulong Benigno Aquino at sa mga heneral nitong sina Alan Purisima at Getulio Napenas na siyang nagplano at nagsagawa ng “Oplan Exodus” na naging sanhi ng pagkamatay ng mga bayaning pulis.
Ayon pa kay Atty. Topacio, napaka-importanteng pelikula ng Mamasapano dahil bahagi na ito ng ating kasaysayan.
“This is an important movie. A story that needs to be told dahil hanggang ngayon, iyong mga major players sa nangyari ay hindi pa natatamo ang justice,” aniya.
Bukod sa pelikula tungkol sa Mamasapano, nasa plano rin ng butihing abogado ang pagproprodyus ng isang advocacy movie tungkol sa dengvaxia na naging malaking isyu rin noong kapanahunan ng dating Pangulong Aquino.
Paglilinaw naman niya na hindi propaganda ang mga pelikulang gagawin niya laban kay Noynoy.
“I don’t want this film to be seen as an instrument of myself and my aggrandizement. This is not about me. Mamasapano is not about me. It’s about the parents. It’s about the soldiers. It’s about the justice system. It’s bigger than Ferdinand Topacio,” pahayag niya.
Sey din niya, hindi niya iprinudyus ang pelikula para maimpluwensiyahan ang kaso.
Gayunpaman, malaking bagay raw kung sa pamamagitan ng medium ng pelikula ay malaman ng mundo ang katotohanan sa likod ng kontrobersiyal na SAF 44 massacre.
Kahit key player daw siya sa kaso ng Mamasapano, wala rin daw siyang balak lumabas o mag-cameo sa pelikula.
Ang “26 Hours: Escape from Mamasapano” ay ididirehe ng magaling at premyadong director na si Law Fajardo (The Strangers, Amok, Imbisibol, Posas) mula sa panulat ng Palanca award-winning screenwriter na si Eric Ramos (Rainbow Sunset, Azucena, Two Funerals).
Line producer dito si Dennis Evangelista at production consultant ang kilalang producer na si Jesse Ejercito.
Tampok dito sina Edu Manzano, Ritz Azul at Myrtle Sarroza sa mga mahahalagang papel.
Todo suporta naman ang mga magulang ng SAF 44 sa proyektong ito na dumalo sa launching ng movie noong Enero 25, anibersaryo ng Mamasapano massacre .
Nagpahayag din ng suporta sa proyekto sina General Amando Empiso, commanding officer ng Special Action Force, at si dating Heneral Benjamin Magalong, na sa kasalukuyan ay alkalde ng Baguio City na siyang nagsagawa ng imbestigasyon noong siya ay hepe pa ng Criminal Investigation and Detection Group.
Comments are closed.