HINILING ni Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez kay House Speaker Alan Peter Cayetano na iprayoridad ang modernisasyon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ito ay bunsod na rin ng 17 oras na itinagal ng sunog sa isang mall sa Tacloban City gayundin ang kakulangan ng mga kagamitang pamatay-sunog lalo na sa mga malalayong probinsiya.
Ayon kay Romualdez, sa 143 LGUs sa Eastern Visayas, 26 rito ang walang fire trucks at wala ring fire stations.
Marami rin aniyang mga lugar sa probinsiya ang gumagamit ng luma at kakarag-karag na truck ng bombero.
Dahil dito, kinalampag ng lady solon ang pag-apruba sa modernisasyon sa BFP para mabigyan na ng dagdag na fire trucks, matayuan ng fire stations at mabigyan ng makabagong firefighting equipment ang mga bombero sa mga kanayunan.
Idinagdag pa nito ang pagkakaroon ng safety equipment ng mga bombero lalo’t delikado ang buhay nila kapag sumusuong sa mga insidente ng sunog. Tiniyak naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na hahanap ng paraan ang Kamara para mapondohan ang kinakailangang modernisasyon sa BFP. CONDE BATAC
Comments are closed.