26 MIYEMBRO NG NPA SUMUKO SA PAMAHALAAN

NPA

LAGUNA – INIHARAP sa mga kawani ng media ang nasa 26 na miyembro ng New People’s Army (NPA) na pawang sumuko sa pulisya at militar sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Lungsod ng Calamba kahapon ng umaga.

Sinasabing pinangunahan ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Infantry Jungle Fighter Division (2ID) Philippine Army (PA) at Calabarzon-PNP ang pagkikipag negosasyon sa nabanggit na bilang ng mga rebelde Dumagat IP’s (CPP-NPA – Terrorists CNT’s) na pawang kabilang sa grupo ng Sub Regional Military Area (SRMA) 4A na nag-operate sa lalawigan ng Rizal, Laguna at Quezon.

Magkakasunod umanong sumuko ang mga ito sa pinagsanib na elemento ng Regional Intelligence Division (RID) at Regional Mobile Force Batallion (RMFB-4A) nitong nakaraang limang araw.

Ayon kay PNP-Calabarzon Director, PBGen. Edward Carranza, sangkot umano ang nabanggit na grupo sa mga extortion activities kabilang ang panununog sa mga heavy equipment sa lalawigan ng Quezon.

Sa kabuuang 26 na bilang ng mga rebelde, siyam sa mga ito ang babae habang 17 naman ang lalaki kabilang ang ilan sa mga menor de edad.

Samantala, isinuko rin ng grupo ang iba’t ibang uri ng kalibre ng baril, mga bala, rifle grenade, blasting cap, at mga subersibong dokumento.

Idinagdag pa ni Carranza na ang ginawang pagsuko ng mga rebelde ay bahagi ng Whole Nation Approach, pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU’s) kung saan isa ito sa mga estratehiya upang tuldukan na ang Communist Armed Conflict sa bansa.

Dahil dito, kasalukuyang sumasailalim ngayon sa custodial debriefing ang lahat ng sumukong mga rebelde. DICK GARAY

Comments are closed.