MULI na namang nadagdagan ang nagbalik-loob sa pamahalaan matapos na sumuko ang 26 na miyembro ng teroristang grupo ng New People’s Army ng CPP-NPA-NDF sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Regional Director MGen. Jonnel Estomo.
Ayon Kay NCRPO Chief Estomo ito na ang ika-6 na pagkakataon na sumuko ang ilang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong BongBong Marcos.
Isinuko rin ng mga nagbalik-loob sa gobyerno ang kanilang armas bilang patunay ng kanilang pagtalikod sa organisasyon matapos ang hirap at gutom na kanilang nararanasan sa kabundukan.
Ayon Estomo umabot na sa kabuuang 175 miyembro ng CPP-NPA-NDF ang sumuko at nagbalik loob sa pamahalaan simula noong nakaraang taon at 9 naman ang naaresto.
Kasabay sa isinagawang presentasyon ni Estomo sa mga sumurender kay DILG Secretary Benhur Abalos ang panunumpa at pagpapakita ng pagpunit ng Bandila ng teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF kung saan nangakong hindi na babalik sa dating gawain at tutulong sila sa gobyerno.
Ikinatuwa naman ni Abalos ang pagsuko ng mga NPA sa NCRPO patunay na hindi lamang ang taumbayan ang magbabalik ng tiwala sa pulisya kundi maging ang mga rebeldeng grupo na nais na magbalik loob sa pamahalaan.
EVELYN GARCIA