UMABOT na sa 26 ang kumpirmadong nasawi habang isinasagawa ang paghahanap at pagre-retrieval sa tumaob na bangka sa Binangonan, Rizal.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nagpapatuloy pa rin ang paghahanap at retrieval operations para sa mga biktima ng tumaob na bangkang de-motor sa nasabing lalawigan.
Batay sa pinakahuling ulat ng substation ng PCG sa Binangonan, hindi bababa sa 26 katao ang namatay at 40 iba pa ang naligtas matapos lumubog ang kanilang bangka na Princess Aya sa tubig ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang pinanggalingan sa Barangay Kalinawan.
Labing apat sa mga nasawi ang natukoy na.
Ang lumubog na outrigger vessel ay kalalabas lamang ng Binangonan patungong Talim Island nang makasagupa ang malakas na hangin, dahilan para mag-panic ang lahat ng pasahero at lumipat sa isang tabi na naging dahilan ng pagtaob ng bangka.
Nagtutulungan ngayon ang ilang ahensya ng gobyerno para agarang maresolba ang insidente.
Nangako rin na magbibigay ng kinakailangang tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.
Kasama sa retrieval operations sina Coast Guard Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio, Calabarzon police director Brig. Gen. Carlito Gaces, Binanganon municipal councilor Jerome Antiporda, Binangonan Municipal Health Office head Dr. Angelito Dela Cuesta, Rizal Police Provincial Office, Binangonan MDRRMO head Jose Hernandez, at Reyan Derick Marques ng Office of Civil Defense.
Samantala, magsasagawa ng parallel investigation ang Philippine National Police at PCG sa insidente.
ELMA MORALES